<body><script type="text/javascript"> function setAttributeOnload(object, attribute, val) { if(window.addEventListener) { window.addEventListener('load', function(){ object[attribute] = val; }, false); } else { window.attachEvent('onload', function(){ object[attribute] = val; }); } } </script> <div id="navbar-iframe-container"></div> <script type="text/javascript" src="https://apis.google.com/js/platform.js"></script> <script type="text/javascript"> gapi.load("gapi.iframes:gapi.iframes.style.bubble", function() { if (gapi.iframes && gapi.iframes.getContext) { gapi.iframes.getContext().openChild({ url: 'https://www.blogger.com/navbar/25388941?origin\x3dhttps://wildthoughtsfaq.blogspot.com', where: document.getElementById("navbar-iframe-container"), id: "navbar-iframe" }); } }); </script>
MWave 468x60

Lakaw is a journey is a step is a move. I love to travel around the world and this is my travel and travel gadget site. Welcome and Enjoy!

0 comments | Thursday, January 18, 2007

Henry is my best friend in the Philippines. He sent me this today, an article he wrote for one of his subjects in Ateneo de Manila University. As you might see, there's an "SJ" after his name, which tells he is a Jesuit -- on his way to becoming a priest. The article will tell you everything. I was touched reading it. For my foreign readers, sorry, it's written in Filipino.

************

Ang aking Juan Bautista

by Henry C. Ponce, SJ

Alam ng lahat ng mga Kristiyano na si Juan Bautista ang naghanda sa daan ni Kristo. Inihanda niya ang mga tao sa kanyang pagdating. Kilala siya bilang tinig ng kagubatan. Hindi siya natakot. Hindi siya nahiya. Hindi siya nawalan ng pag-asa. Buong tapang niyang pinanindigan ang kanyang pinaniniwalaan. Alam niya kung ano ang pakay niya dito sa mundo.

Parang ganoon din ang aking matalik na kaibigang si Eric Ariel Salas. Hindi naman siya nagsuot ng balat ng hayop ngunit may paninindigan siya. Hindi siya sumusuko. Hindi siya nahihiya. Tila isa siyang tinig ng kagubatan na sumisigaw sa akin na magbago ng landas. Matiyaga at mapakumbabang niya akong inaanyayahang sumali sa Catholic Charismatic Carolinians (CCC) ng Campus Ministry (CM) ng aming unibersidad kung saan una kong nakilala at naka-ugnayan nang personal ang Panginoong Hesus.

Una kaming nagkakilala noong nasa sa unang taon palang kami sa kolehiyo. Civil Engineering kaming pareho. Magkaka-klase kami sa lahat ng subjects namin. Siya ang unang lumapit sa akin at nagpakilala. “Ako nga pala si Eric, taga Argao.” Sabay ngiti sa pag-abot ng kanyang kamay. Nakipagkamay din ako sa kanya at sumagot, “Ako naman si Henry, taga Labangon, Cebu City.” Sinabi niya na nakatira siya sa dormitoryo ng paaralan namin. Nag-usap kami. Nagpapalitan ng impormasyon.

Hindi nagtagal at naging matalik ko siyang kaibigan. Madalas na akong mag-istambay sa dormitoryo niya. Doon na rin ako kumakain sa canteen nila. Minsan gumigimik kami. Nanood ng sine. Kumain sa labas. Pareho pala kaming hindi mahilig uminom ng alak. Pagkain lang talaga ang bisyo namin. Pero minsan, tumutungga din pag naanyayahan ng ibang mga kaklase namin.

Sa tagal ng panahon ng aming pagsasama ay nakilala ko siya nang lubusan.

Taga probinsiya siya. Parehong guro ang kanyang mga magulang. Apat silang magkakapatid. Pangalawa siya. At ang sumunod sa kanya ay ang nag-iisa niyang kapatid na babae na si Jingle. Lahat sila sa pamilya ay mahilig kumanta. Ang nanay niya pala ay dating kampiyon sa radyo. Ganoon din ang kanyang mga kapatid. Siya lang siguro ang hindi nananalo sa mga paligsahan sa pagkanta. Ngunit siya yung may pinakamaraming karangalan sa paaralan. Palagi siyang first honor. Doon na lang siya bumabawi.

Minsan, napansin ko na gumuguhit siya sa kanyang kwaderno.

“Gumuguhit ka pala Eric?”

“Kunti lang.” Tila nahihiyang sagot ni Eric.

“Gusto mong matuto ng charcoal portraiture? Tuturuan kita. Pero kailangan mong magbayad ng isang libong piso.” Ang pabiro kong alok sa kanya.

“Oo bah.” Ang masiglang sagot niya.

Pinagbayad ko siya ng isang libong piso para lang seryosohin niya ang pag-aaral. Libre din naman ang pagkain sa bahay namin. Hindi nagtagal ay natuto din siya. Nagkaroon na rin siya ng mga customers tulad ko. Pero minsan ay pinareretoke niya ang gawa niya sa akin. Ginagawa ko naman kahit walang bayad.

Habang tumatagal ay lumalalim ang aming pagkakaibigan.

“Henry, may problema ako tungkol sa aking kapatid.” Malungkot na sabi ni Eric sa akin.

“Bakit? Anong nangyari sa kapatid mo?” Tinanong ko siya nang may pag-aalala.

Hindi na kami nahihiyang magbahagi ng aming mga problema sa isa’t isa. Minsan ay nagbibigay kami ng payo. Minsan naman ay nakikinig lang talaga kami sa isa’t isa. Problema man sa pamilya, pag-aaral at maging sa pag-ibig. May pagkakataon nga na isang babae lang pala ang nililigawan namin. Nang magka-bistuhan na ay hindi na namin pinagpatuloy ang panliligaw. Pinagtawanan na lang namin ang nangyari. Diyan kami nagkakasundo. Kaya naming harapin at pagtawanan ang aming mga problema.

Isang araw, napansin ko na bigla siyang nagbago. Hindi na siya tumatawa sa mga green jokes ko. Pag nag-uusap kami ay pinapasok na niya ang Diyos sa usapan.

“Henry, ang bait talaga ng Diyos. Praise the Lord!” Masayang sabi ni Eric sa akin.

“Bakit? Ano na naman ang ginagawa ng Lord mo sa ‘yo?” Nakatawang tanong ko na may kasamang pagkunot ng noo ko.

Malimit ko na siyang narinig na nagsasabi ng ”Praise the Lord! Tumatayo ang balahibo ko tuwing naririnig ko siyang sinasabi iyon. Madalas ay kinakantyawan ko siya at binibiro ukol dito. Naging miyembro na pala siya ng CCC ng CM.

Kahit na nilait-lait ko siya ay hindi siya nagagalit sa akin. Ipaliliwanag lang niya kung bakit niya ginagawa ang kanyang mga ginagawa ngayon. Kung bakit siya nagsisimba, nagrorosaryo, at dumadalo sa mga prayer meetings.

Parang ibang Eric na ang nakikita ko. Hindi na ang dating Eric na kilala ko. Mukhang banal na siya. Mabait. Maamo. Ngunit palabiro pa rin.

Palagi na niya akong inaanyayahang sumali sa CCC ng CM at dumalo sa kanilang prayer meeting.

“Sali ka sa prayer meeting namin ngayong biyernes.” Anyaya niya sa akin.

Ilang beses ko rin siyang tinanggihan. “Busy ako Eric.” Ang gasgas ko nang dahilan.

Hindi nagtagal ay bumigay din ako. Pumayag din ako sa kakulitan niya. Sumali na rin ako sa CCC ng CM. Doon ko unang nakilala ng personal ang aking Panginoong Hesus. Doon nag-umpisa ang aking bokasyon. Dahil sa kakulitan at pagtitiyaga ni Eric ay nakilala ko ng mas malalim ang aking Diyos. Tunay at buhay pala Siya.

Nang matapos kami ng kolehiyo at kumuha ng Board Exam ay nagkahiwalay din kami. Kapwa kaming pumasa at nagkalisensiya. Hindi na kami madalas nagkikita. Hindi na rin kami masyadong nag-uusap. May kanya-kanya na kaming mga buhay.

Patuloy pa rin ako sa buhay ko. Charismatic pa rin. May trabaho na rin ako.

Isang araw ay tumawag si Eric sa akin sa bahay.

“Henry, si Eric ito. Kumusta ka na? Meron kaming hiring dito sa TTSP. Isang kompanya ito ng mga Hapon na gumagawa ng malalaking mga barko. Mag-apply ka.” Ang masiglang paanyaya ni Eric sa akin.

“Mabuti naman ako dito. Buhay ka pa pala?! Ano ba ang requirements diyan?” Pabiro kong sagot sa kanya.

Nag-apply din naman ako at natanggap. At nang natanggap ako ay saka naman nag-resign si Eric dahil gusto na niyang magturo ng fulltime sa unibersidad kung saan kami nagtapos. Pakiramdam ko tuloy na para akong panakip-butas lamang. Pero nag-enjoy naman ako sa trabaho ko. Pagkaraan ng ilang buwan ay tumawag ulit siya sa akin at inalok niya naman akong magturo din sa unibersidad. Hindi na ako sumunod. Masaya na ako sa kinalalagyan ko. Hindi na rin niya ako pinilit. Mula noon ay hindi na kami nag-uusap.

Kamakailan lamang ay nagulat ako dahil nakatanggap ako ng email mula kay Eric. Labis daw siyang natuwa nang malaman niyang pumasok ako sa Kapisanan ni Hesus. Nasa US na pala siya ngayon. Nagpapakadalubhasa sa kanyang kurso. Nag-aaral na naman siya. Kumukuha siya ng PhD course sa GeoSpatial Science and Engineering na matatapos sa loob ng limang taon sa tulong ng NASA. Bilang kabayaran sa kanyang pag-aaral ay tutulong din siya sa isang proyekto ng NASA na nauugnay sa kanyang kurso. Pabiro kong sinagot ang kanyang email. Sabi ko sa kanya, “Sana ay pansinin mo pa rin ako kapag nagkita tayo at naging doktor ka na. Dok Salas na ang itatawag ko sa iyo.” Sinabi ko rin sa kanya kung gaano ako kasaya sa kanyang kinalalagyan ngayon at patuloy ko pa rin siyang pinapanalangin.

Ito ang sagot niya...

Hi Hen.
Salamat sa email. It is always a good thing to hear something from dear friends, especially from someone like you who has always been an inspiration to me in terms of spirituality.

Managad jud ko nimo kon ma-doctor nako, kay pari naman sad unya ka ana. Lain kaayo kon dili ko managad ug pari , d ba? :-) (Papansinin talaga kita kapag doktor na ako, kasi pari ka na rin niyan. Pangit naman kung hindi ako namamansin ng pari, d’ba?)

I'm so happy for you Hen. I am praying for you too and hopefully naa nako pari nga (meron na akong pari na) best friend hehehehe.

We will see each other again, in God's time.

Keep in touch.

Eric

Labels:

0 Comments:

<< Home

More Interesting Stories

Related Posts with Thumbnails